​Kwentaxi by Juana C: Gising-gising


Got a tip? Send it to us at manila@coconuts.co.


Mga alas singko y media na yun sa P. Ocampo Street. Papunta ako sa rehearsal ko sa De La Salle Taft. Nagdidilim na ang langit. Ber month na kasi. Antok na antok ako. Parang ma-vetsin ata yung fried rice with fried siomai na kinain ko bago ako tumawag ng taxi. Kaya naman parang manok na tutuka-tuka ang ulo ko habang humihilik pag-upong pag-upo ko pa lang. Nagising ako nung narinig kong binubuksan ng driver ang bintana sabay sigaw sa aleng nakaupo sa di kalayuan na may kandong na bata. Pasigaw sabi nya, “Ale, ale! Ito po oh!” Sabay abot ng isang maliit na brown na supot sa nanay na kumaripas papunta sa taxi habang buhat-buhat ang anak sa kanyang mga braso. At sumundot pa ng tanong ang mamang driver, “May sakit ba ang anak mo?” At ang narining lang namin sa ale ay, “Salamat po.” Tumalikod at bumalik sa inuupuan nilang mag-ina kung saan nakapaligid ang maraming mga supot.

Juana C: Ano ho yung inabot nyo?
Taxi driver: Maliit na bagay lang ho.
Sabay balik ng tingin ko sa ina na dumudukot sa supot na bigay ni kuya.
JC: Ah, tinapay.
TD: Masarap po yun. Puto pao. Binibili ko yun sa malapit sa gate ng Malacañang. Paborito ko. Masarap talaga.
JC: Nadiscover na kaya ni PNoy yan? Magkano?
TD: Nuwebe pesos ang isa.
JC: Mukha ngang masarap.
At dahil ang bagal ng galaw ng trapik, natatanaw namin ang mag-inang kumakain.
JC: Ang sarap ng kain nila sa bigay mo kuya o.
TD: Malayo pa pinagmamasdan ko na sila eh. Naaawa ako. Sa totoo lang, hindi ko ugaling magbigay sa mga pulubing nangangatok sa kalye. Para mo na rin kasing tinuturuan na diyan sila magtrabaho sa kalsada eh. Pero itong mag-ina mula sa malayo pinagmamasdan ko na eh. Ang lungkot ng mukha nung nanay. Hindi naman humihingi. Parang ang lalim ng iniisip. Parang di alam kung saan kukuha ng ipapakain sa anak niya. Nakaka-awa yung bata. Di ko mahiwalay sa isip ko yung mga mayayaman na mayaman na, sobra-sobra na ang pera pero gusto pa lalong yumaman. Tapos may katulad ng mag-ina na yan na mukhang walang makain. Ako ang gusto ko lang sana eh makakain ng sapat pamilya ko atsaka makatapos ng pag-aaral ang mga anak ko.
JC: Pano kaya ang buhay kung walang ganid?
TD: Walang gutom.
JC: May tama ka kuya. Ang saya nun. Walang gutom! Wow!
TD: Grabe ko ata magsalita. Pero hindi rin naman ako perpekto.
JC: Ako rin hindi perfect. O dalawa na tayo. Ha ha! Ano ba pintas mo sa sarili mo kuya?
TD: Sugal. Dati kumpleto: tong-its, mahjong, baraha, kara y krus. Pero maliitan lang. Ngayon sabong na lang. Pero mahina na rin kasi inuuna ko na muna pangangailangan ng pamilya.
Biglang dumaan ang PNR

Kwentaxi by Juana Change

TD: Naku mam tingnan mo ang siksikan ng mga tao sa loob ng tren oh, grabe!
JC: Oh my God! Pwede nang magkapalitan ng mukha ang mga tao sa loob.
TD: Oras na kasi ng uwian. Sensya na po kanina at naistorbo ko tulog niyo. Hindi ko mapalampas eh.
JC: Nagulat lang ako. Ayos lang. Sinagot mo ang bulong ng kalooban mo at di mo pinalampas ang oportunidad. You na!
TD: Apat yung puto pao kanina eh. Nakain ko na yung dalawa. Para kay King-king sana bukas yung dalawa pa. Pasalubong ko.
JC: Ang bait mo pala kuya kahit hindi ka mukhang mabait. Ha h aha! Akala ko may masama kang gagawin sa akin kanina nung binuksan mo yung bintana eh. Wag ka magagalit ha? Yun talaga ang akala ko.
TD: Sanay na ako. Yan ang laging akala ng tao pag di pa ako kilala. Mukha akong suplado.
JC: Actually kuya, mas masahol pa sa suplado ang judgement ko sa iyo. May pagka-scary ka.
TD: Hahaha! Ganun talaga katindi?

Kwentaxi by Juana Change

JC: Medyo! Ha ha ha! Anong pangalan mo kuya?
TD: Ricardo po.
JC: Apelyido?
TD: Alay. Ricardo Alay. 
JC: Alay! Kaya pala. Naalala ko bigla yung kaibigan kong taxi driver na si Richard. Tulad mo, pinatotohanan niya ang apelyido niya. Ang daming bulaklak ng loob ng taxi niya. Ang apelyido niya kasi ay Bulaclac. Ang judgement ko nga sa kanya dati bakla eh. Hindi pala. Mali ako. Ikaw naman, pinatotohanan mo din ngayon pangalan mo. Kakainin na lang ng anak mo, inALAY mo pa sa mag-inang nagugutom.
TD: Naapektuhan kasi ako nung makita ko sila.
JC: Yun ang kulang sa maraming Pilipino kuya. Yung maapektuhan sa pagdurusa ng kapwa at gumalaw para maibsan ito. Hindi marami ang tulad mo na nung may maramdaman para sa kapwa ay umaksyon agad. Mabuhay ka kuya. Nasira mo tulog ko pero ikaw na ang may pinakamagandang dahilan para sumira ng tulog. Ha ha ha! Salamat sa pag-gising mo sa akin. Ako ang iyong witness. 

TD: Ha ha ha!
JC: Tuwing kakain ako ng puto pao, tatandaan kong magALAY sa iba.
TD: Pandesal…
JC: Putok, pianono…
TD: …Monay, biscocho…
JC: …Tasty, inipit…
TD: Pan de Bomba…
JC: Yan ang pang Malacañang.
TD & JC: Whahaha! Whahahaha!



Reader Interactions

Leave A Reply


BECOME A COCO+ MEMBER

Support local news and join a community of like-minded
“Coconauts” across Southeast Asia and Hong Kong.

Join Now
Coconuts TV
Our latest and greatest original videos
Subscribe on